299. “At kung di sa luhang pabaon sa akin
Namatay na muna bago ko naatim
Dusang di lumikat hanggang sa dumating
Sa bayang Krotonang kubkob ng hilahil.
300. “Kuta’y lulugso na sa bayong madalas
Ng mga makinang talagang pangwalat
Siyang paglusob ko’t ng hukbong akibat
Ginipit ang digmang kumubkob sa syudad.
301. “Dito’y ang masidhing lubhang kamatayan
At Parka Atropos ay nagdamdam pagal
Sa paggapas nila’t pagkitil ng buhay
Ng naghihingalong sa dugo’y naglutang.
302. “Makita ng piling Heneral Osmalik
Ang aking marahas na pamimiyapis
Pitong susong hanay sa dulo ng kalis
Hinawi ng tabak nang ako’y masapit.
303. “Sa kaliwa’t kanan niya’y nangalaglag
Mga solados kong pawang mararahas
Lumapit sa aking mata’y nagniningas
‘halika’ aniya’t kita ang maglamas?
304. “Limang oras kaming hindi naghiwalay
Hanggang sa hinapo ang bato ng tapang
Nagluksa ang langit nang aking mapatay
Habag sa gererong sa mundo’y tinakhan.
305. “Siya nang pagsilid ng pangingilabot
Sa kalabang hukbong parang sinasalot
Ng pamuksang tabak ni Menandrong lubos
Ang kampo’t biktorya’y napaaming lubos.
306. “Tagumpay na ito’y pumawi ng lumbay
Ng mga nakubkob ng kasakunaan
Panganib sa puso’y naging katuwaan
Ang pinto ng syudad pagdaka’y nabuksan.
307. “Sinalubong kami ng haring dakila
Kasama ang buong bayang natimawa
Ang pasasalamat ay di maapula
Sa di magkawastong nagpupuring dila.
308. “Yaong bayayng hapo’t bagong nakatighaw
Sa nagbalang bangis ng mga kaaway
Sa pagkatimawa ay nag-aagawang
Malapit sa aki’t damit ko’y mahagkan.
309. “Sa lakas ng hiyaw ng Pamang matabil
Bibang dugtong-dugtong ay nakikisaliw
Ang gulong ‘salamat, nagtanggol sa amin!’
Dininig sa langit ng mga bituin.
310. “Lalo na ang tuwa nang ako’y matatap
Na apo ng hari nilang nililiyag
Ang Monarka nama’y di munti ang galak
Luha ang nagsabi ng linyang ganap.
311. “Nagsiakyat kami sa palasyong bantog
At nangagpahinga ang soldadong pagod
Datapuwa’t ang baya’y tatlong araw halos
Na nakalimutan ang gawing matulog.
312. “Sa ligaya namin ng nuno kong hari
Nakipagitan din ang lilong pighati
At ang pagkamatay ang ina kong pili
Malaon nang lanta’y nananariwang muli.
313. “Dito naniwala ang bata kong loob
Na sa mundo’y walang katuwaang lubos
Sa minsang ligaya’y tali nang kasunod
Makapitong lumbay o hanggang matapos.
314. “Naging limang buwan ako sa Krotona
Nagpilit bumalik sa Reynong Albanya
Di sinong susumang sa akay ng sinta
Kung ang tinutungo’y lalo’t sa isang Laura?
315. “Sa gayong katulin ng aming paglakad
Naiinip ako’t ang nasa’y lumipad
Aba’t nang matanaw ang moog ng syudad
Kumutob sa aking puso’y lalong hirap!
No comments:
Post a Comment