Florante at Laura 25: Paghahanda Patungong Krotona


289. “Nang malutas yaong pagsasalitaan
        Ay wala na akong kamaharlikaan
        Kaluluwa’y gulo’t puso’y nadadarang
        Sa ningan ng sintang bago kong natikman.

290. “Talong araw kong piniging ng hari
        Sa palasyo real na sa yama’y bunyi
        Ay di nakausap ang punong pighati
        At inaasahang iluluwalhati.

291. “Dito ko natikman ang lalong hinagpis
        Higit sa dalitang naunang tiniis
        At binulaan ko ang lahat ng sakit
        Kung sa kahirapang mula sa pag-ibig.

292. “Salamat at noong sa kinabukasan
        Hukbo ko’y lalakad sa Krotonang bayan
        Sandaling pinalad na nakapanayam
        Ang prinsesang nihag niring katauhan.

293. “Ipinahayag ko ng wikang mairog.
        Ng buntung-hininga luha at himutok
        Ang matinding sintang ikinalulunod
        Magpahangga ngayon ng buhay kong kapos.

 294. “Ang pusong matibay ng himalang dikit
        Nahambal sa aking malumbay na hibik
        Dangan ang kanyang katutubong bait
        Ay humadlang disin sinta ko’y nabihis.

295. “Nguni’t kung ang oo’y di man binitawan
        Naliwanagan din sintang nadirimlan
        At sa pagpanaw ko ay pinabaunan
        Ng may hiyang perlas na sa mata’y nukal.

296. “Dumating ang bukas ng aking pag-alis
        Sino ang sasayod ng bumugsong sakit?
        Dini sa puso ko’y alin ang hinagpis
        Na hindi nagtamo ng kaniyang kalis?

297. “ May sakit pa kayang lalalo ng tindi
        Sa ang sumisinta’y mawalay sa kasi?
        Guniguni lamang di na angh mangyari
        Sukat ikalugmok ng pusong bayani.

298. “O nangag-aalay ng mabangong suob
        Sa dakilang altar ni Kupidong diyos
        Sa dusa ko’y kayo ang nakatatarok
        Noong mangulila si Laura kong irog!