Florante at Laura 29: Ang Paghihirap ni Aladin


347. “Ang pagkabuhay mo’y yamang natalastas
        Tantuin mo naman ngayon ang kausap
        Ako ang Aladin sa Persyang syudad
        Anak ng balitang sultang Ali-Adab.

348. “Sa pagbatis niring mapait na luha
        Ang pagkabuhay ko’y sukat mahalata
        Ay ama ko! Bakit? Ay Fleridang tuwa!
        Katoto’y bayaang ako’y mapayapa.

349. “Magsama na kitang sa luha’y maagnas
        Yamang pinag-isa ng masamang palad
        Sa gubat na ito’y hintayin ang wakas
        Ng pagkabuhay tang nalipos ng hirap.”

350. Hindi na inulit ni Florante naman
        Luha ni Aladi’y pinaibayuhan
        Tumahan sa gubat na may limang buwan
        Nang isang umaga’y naganyak maglibang.

351. Kanilang nilibot ang loob ng gubat
        Kahit bahagya nang makikitang landas
        Dito sinalita ni Alading hayag
        Ang kaniyang buhay na kahabag-habag.


352. Aniya’y “sa madlang gerang dinaanan
        Di ako naghirap ng pakikilaban
        Para nang bakahin ang pusong matibay
        Ni Fleridang irog na tinatangisan.
 
353. “Kung nakikiumpok sa madlang prinsesa’y
        Si D’yana sa gitna ng maraming nimpa
        Kaya’t kung tawagin sa reyno ng Persya
        Isa sa Houris ng mga propeta.

354. “Anupa’t pinalad na aking dinaig
        Sa katiyagaan ang pusong matipid
        At pagkakaisa ng dalawang dibdib
        Pagsinta ni ama’y nabuyong gumiit.

355. “Dito na minulan ang pagpapahirap
        Sa aki’t ninasang buhay ko’y mautas
        At nang magbiktorya sa Albanyang syudad
        Pagdating sa Persya’y binilanggo agad.

356. “At ang ibinuhat na kasalanan ko
        Di pa utos niya’y iniwan ang hukbo
        At nang mabalitang reyno’y nabawi mo
        Ako’y hinatulang pugutan ng ulo.

357. “Nang gabing malungkot na kinabukasan
        Wakas ng tadhanang ako’y pupugutan
        Sa karsel ay nasok ang isang heneral
        Dala ang patawad na lalong pamatay.

358. “Tinadhanang mahigpit ay malis pagdaka
        Huwag mabukasan sa reynong Persya
        Sa munting pagsuway buhay ko ang dusa
        Sinunod ko’t utos ng hari ko’t ama.

359. “Nguni’t sa puso ko’y matamis pang lubha
        Natuloy kinitil ang hiningang aba
        Huwag ang may buhay na nagugunita
        Iba ang may kandong sa langit ko’t tuwa.