Florante at Laura 30: Ang Pagtakas ni Flerida

360. “May anim na ngayong taong walang likat
        Nang nilibut-libot na ksama’y hirap,”
        Napatigil dito’t siya’y may namatyag
        Nagsasalitaan sa loob ng gubat.

361. Napakinggan nila’y ang ganitong saysay:
        “Nang aking matatap na papupugutan
        Ang bang sinta kong nasa bilangguan
        Nagdapa sa yapak ng haring sukaban.

362. “Inihinging tawad ng luha at daing
        Ang kaniyang anak na mutya ko’t giliw
        Ang sagot kung di kusa kong tanggapin
        Ang pagsinta niya’y di patatawarin.

363. “Anong gagawin ko sa ganitong bagay
        Ang sinta ko baga’y bayaang mamatay?
        Napahinuhod na ako’t nang mabuhay
        Ang prinsipeng irog na kahambal-hambal.

364. “Ang nabalinong matibay kong dibdib
        Sa suyo ng hari bala at paghibik
        Nanlambot na kusa’t kumain sa sakit
        At nang mailigtas ang buhay ng ibig.


365. “Sa tuwa ng hari’y pinawalan agad
        Ang dahil ng aking luhang pumapatak
        Datapuwa’t tadhanang umalis sa syudad
        At sa ibang lupa’y kusang mawakawak.

366. “Pumanaw sa Persya ang irog ko’t buhay
        Na hindi man lami nagkasalitaan
        Tingni kung may luha akong ibubukal
        Na maitutumbas sa dusa kong taglay

367. “Nang iginagayak sa loob ng reyno
        Yaong pagpapakasal na kamatayan ko
        Aking naakalang magdamit gerero
        At kusang magtanan sa real palasyo.

368. “Isang hatinggabing kadilima’y lubha
        Lihim na naghugos ako sa bintana
        Walang kinasama kundi nga ang nasa
        Matunton ang sinta kung nasaang lupa.

369. “May ilan taong ako’y naglagalag
        Na pinapalasyo ang bundok at gubat
        Dumating nga rito’t kita’y nailigtas
        Sa masamang nasa iyong taong sukab.”

 370. Salita’y nahinto sa biglang pagdating
        Ng Duke Florante’t Prinsipe Aladin
        Na pagkakilala sa boses ng giliw
        Ang gawi ng puso’y di mapigil-pigil.

371. Aling dila kaya ang makasasayod
        Ng tuwang kinamtan ng magkasing-irog?
        Sa hiya ng sakit sa lupa’y lumubog
        Dala ng kanyang napulpol na tunod.

372. Saang kalangitan napaakyat kaya
        Ang ating Florante sa tinamong tuwa
        Ngayong tumititig sa ligayang mukha
        Ng kaniyang Laurang ninanasa-nasa?

373. Anupa nga’t yaong gubat na malungkot
        Sa apat ay naging paraiso’t lugod
        Makailang hintong kanilang nalimot
        Na may hininga pang sukat na malagot.