Florante at Laura 31: Pagliligtas kay Laura

374. Sigabo ng tuwa ng dumalang-dalang
        Dininig ng tatlo ang kay Laurang buhay
        Nasapi sa reyno mula nang pumanaw
        Ang sintang nanggubat ganito ang saysay:

375. “Di lubhang naglaon noong pag-alis mo
        O sintang Florante sa Albanyang reyno
        Narinig sa baya’y isang piping gulo
        Na umalingawngaw hanggang sa palasyo.

376. “Ngunit di mangyaring mawatas-watasan
        Ang bakit at hulo ng bulung-bulungan
        Parang isang sakit na di mahulaan
        Ng medikong pantas ang dahila’t saan.

377. “Di ka ginsa-ginsa palasyo’y nakubkob
        Ng magulong baya’t baluting soldados
        O araw na lubhang kakila-kilabot!
        Araw na sinumpa ng galit ng Diyos!

 378. “Sigawang malakas niyong bayang gulo
        ‘mamatay mamatay ang Haring Linseo
        Na nagmunakalang gutumin ang reyno’t
        Lagyan ng estangke ang kakani’t trigo!”


379. “Ito’y kay Adolfong kagagawang lahat
        At nang magkagulo yaong bayang bulag
        Sa ngalan ng hari ay isinambulat
        Gayong ordeng mula sa dibdib ng sukab.

380. “Noon di’y hinugot sa tronong luklukan
        Ang ama kong hari at pinapugutan
        May matuwid bagang makapanlulumay
        Sa sukab ng puso’t nagugulong bayan.

381. “Sa araw ring yao’y naputlan ng ulo
        Ang tapat na loob ng mga konseho
        At hindi pumurol ang tabak ng lilo
        Hanggang may mabait na mahal sa reyno.

382. “Umakyat sa trono ang kondeng malupit
        At pinagbalaan ako nang mahigpit
        Na kung di tumanggap ng haying pag-ibig
        Dustang kamataya’y aking masasapit.

383. “Sa pagnanasa kong siya’y magantihan
        Masulatan kita sa Etolyang bayan
        Pinilit ang pusong huwag ipamalay
        Sa lilo ang aking kaayawa’t suklam.

384. “Limang buwang singkad ang hinihinging taning
        Ang kaniyang sinta’y bago ko tanggapin
        Ngunit ipinasyang tunay na panimdim
        Ang magpatiwakal kung di ka dumating.

385. “Niyari ang sulat at ibinigay ko
        Sa tapat na lingkod nang dalhin sa iyo
        Di nag-isang buwa’y siyang pagdating mo’t
        Nahulog sa kamay ni Adolfong lilo.

386. “Sa takot sa iyo niyong palamara
        Kung ikaw’y magbalik na may hukbong dala
        Nang mag-isang umuwi ay pinadalhan ka
        Ng may selyong sulat at sa haring pirma.
 
387. “Matanto ko ito’y sa malaking lumbay
        Gayak na ang puso na magpatiwakal
        Ay siyang pagdating ni Menandro naman
        Kinubkob ng hukbo ang Albanyang bayan.

388. “Sa banta ko’y siyang tantong nakatanggap
        Ng sa iyo’y aking padalang kalatas
        Kaya’t nang dumating sa Albanyang syudad
        Lobong nagugutom ang kahalintulad.

389. “Nang walang magawa ang Konde Adolfo
        Ay kusang tumawag ng kapuwa lilo
        Dumating ang gabi umalis sa reyno
        At ako’y dinalang gapos sa kabayo.

390. “Kapagdating dito ako’y dinadahas
        At ibig ilugso ang puri kong ingat
        Mana’y isang tunod na kung saan gubat
        Pumako sa dibdib ni Adolfong sukab.”

391. “Sagot ni Flerida: “Nang dito’y sumapit
        Ay may napakinggang binibining boses
        Na pakiramdam ko’y binibigyang sakit
        Nahambal ang aking mahabaging dibdib.

392. “Nang paghanapin ko’y ikaw ang natalos
        Pinipilit niyong taong balakiyot
        Hindi ko nabata’t bininit sa busog
        Ang isang palasong sa lilo’y tumapos.