Florante at Laura 27: Tanggulan ng S'yudad

316. “Kaya pala gayo’y ang nagwawagayway
        Sa kuta’y hindi na bandilang binyagan
        Kundi medyaluna’t reyno’y nasalakay
        Ni Alading salot ng pasuking bayan.

317. “Ang akay na hukbo’y kusang pinahimpil
        Sa paa ng isang bundok na mabangin
        Di kaginsa-ginsa’y natanawan namin
        Pulutong ng Morong lakad ay mahinhin.

318. “Isang binibini ang gapos na taglay
        Na sa damdam nami’y tangkang pupugutan
        Ang puso ay lalong naipit ng lumbay      
        Sa gunitang baka si Laura kong buhay.

 319. “Kaya di napigil ang akay na loob
        At ang mga Moro’y bigla kong nilusob
        Palad ng tumakbo at hindi natapos
        Sa aking pamuksang kalis na may poot!

320. “Nang wala na akong pagbuntuhang galit
        Sa di makakibong gapos ay lumapit
        Ang takip sa mukha’y nang aking ialis
        Aba ko’t si Laura! May lalo pang sakit?

321. “Pupugutan dahil sa hindi pagtanggap
        Sa sintang mahalay ng Emir sa syudad
        Nang mag-asal-hayop ang Morong pangahas
        Tinampal sa mukha ng himalang dilag.

322. “Aking dali-daling kinalag sa kamay
        Ang lubid na walang awa at pitagan
        Mga daliri ko’y naaalang-alang
        Madampi sa balat ng kagalang-galang.

323. “Dito nakatanggap ng lunas na titig
        Ang nagdaralitang puso sa pag-ibig
        Araw ng ligayang una kong pagdinig
        Ng sintang Florante’ sa kay Laurang bibig.

324. “Nang aking matantong nasa bilangguan
        Ang bunying monarka’t ang ama kong hirang
        Nag-utos sa hukbo’t aming sinalakay
        Hanggang di nabawi ang Albanyang bayan.

325. “Pagpasok namin sa loob ng reyno
        Bilanggua’y siyang una kong tinungo
        Hinango ang hari’t ang dukeng ama ko
        Sa kaginooha’y isa si Adolfo.

326. “Labis ang ligayang kinamtan ng hari
        At ng natimawang kamahalang pili
        Si Adolfo lamang ang nagdadalamhati
        Sa kapurihan kong tinamo ang sanhi.

327. “Pangimbulo niya’y lalo nang nag-alab
        Nang ako’y tawaging tanggulan ng syudad
        At ipinagdiwang ng haring mataas
        Sa palasyo real nang lubos na galak.
 
328. “Saka nahalatang ako’y minamahal
        Ng pinag-uusig niyang kariktan
        Ang Konde Adolfo’y nagpapakamatay
        Dahil sa korona’t kay Laura’y makasal

329. “Lumago ang binhing mula sa Atenas
        Ipinunlang nasang ako’y ipahamak
        Kay Adolfo’y walang bagay na masaklap
        Para ng buhay kong hindi nauutas.

1 comment:

teresl said...

read the article i was reading this hop over to these guys Check Out Your URL check this site out look at this website