Florante at Laura 13: Sa Harap ng Dalawang Leon


108. Di pa natatapos itong pangungusap
        May dalawang leong hangos nang paglakad
        Siya’y tinutungo’t pagsil-in ang hangad
        Ngunit nangatigil pagdating sa harap

109. Nangaawa mandi’t nawalan ng bangis
        Sa abang sisal-ing larawan ng sakit
        Nangakatingala’t parang nakikinig
        Sa di lumilikat na tinatangis-tangis.

110. Anong kaloob kaya nitong nagagapos
        Ngayong nasa harap ng dalawang hayop
        Na ang balang ngipi’t kuko’y naghahandog
        Isang kamatayang kakila-kilabot!

111. Di ko na masabi’t luha ko’y nanatak
        Nauumid yaring dilang nangungusap
        Puso’y nanlalambot sa malaking habag
        Sa kaawa-awang kinubkob ng hirap.

112. Sinong di mahapis na may karamdaman
        Sa lagay ng gapos na kalumbay-lumbay
        Lipos ng pighati saka tinutunghan
        Sa laman at buto niya ang hihimay.

113. Katiwala na nga itong tigib sakit
        Na ang buhay niya’y tuntong na sa guhit
        Nilagnat ang puso’t nasira ang boses
        Di na mawatasan halos itong hibik.

114. “Paalam Albanyang pinamamayanan
        Ng kasamaa’t lupit, bangis, kaliluhan
        Akong tanggulan mo’y kusa mang pinatay
        Sa iyo’y malaki ang panghihinayang.

115. “Sa loob mo nawa’y huwag mamilantik
        Ang panirang talim ng katalong kalis
        Magkaespada kang para ng binitbit
        Niring kinuta mong kanang matangkilik.

116. “Kinasuklaman mo ang ipinangakong
        Sa iyo’y gugulin niniyak kong dugo
        At inibig mo pang hayop ang magbubo
        Sa kung itanggol ka’y maubos ang tumulo.

117. “Pagkabata ko na’y walang inadhika
        Kundi paglilingkod sa iyo’t kalinga
        Di makailan kang babal-ing masira
        Ang mga kamay ko’y siyang tumimawa.

118. “Dustang kamatayan ang bihis mong bayad
        Datapwa’t sa iyo’y nagpapasalamat
        Kung pakamahali’t huwg ipahamak
        Ang tinatangisang giliw na nagsukab

119. “Yaong aking Laurang hindi mapapaknit
        Ng kamatayan man sa tapat kong dibdib
        Paalam bayan ko paalam na ibig
        Magdarayang sintang di manaw sa isip.

120. “Bayang walang loob, sintang alibugha
        Adolfong malupit, Laurang magdaraya
        Magdiwang na ngayo’t manulos sa tuwa
        At masusunod na sa akin ang nasa.

121. “Nasa harap ko na ang lalong marawal
        Mabangis na lubhang lahing kamatayan
        Malulubos na nga ang iyong kasam-an
        Gayon din ang aking kaalipustaan.

122. “Sa abang-aba ko! Diyata, O Laura
        Mamatay ako’y hindi mo na sinta
        Ito ang mapait sa lahat ng dusa
        Sa akin ay sinong mag-aalaala?

123. “Diyata’t ang aking pagkapanganyaya
        Di mo tatapunan ng katulong luha!
        Kung yaring buhay ko’y mahimbing sa wala
        Di babahaginan ng munting gunita?

124. “Guni-guning ito’y lubhang makamndag
        Agos na, luha ko’t puso’y maaagnas
        Tulo, kaluluwa’t sa mata’y pumulas
        Kayo, aking dugo’y mag-unahang matak.

125. “Nang matumbasan ko ng luha ang sakit
        Nitong pagkalimot ng tunay kong ibig
        Huwag yaring buhay ang siyang itangis
        Kundi ang pagsintang lubos na naamis.”