Florante at Laura 22: Mga Tagubilin ng Maestro

243. “May dalawang buwang hindi nakatikim
        Ako ng linamnam ng payapa’t aliw
        Ikalawang sulat ni ama’y dumating
        Sampu ng sasakyang sumundo sa akin

244. “Saad ng kalatas ay biglang lumulan
        At ako’y umuwi sa Albanyang bayan
        Sa aking maestro nang nagpapaalam
        Aniya’y “Florante bilin ko’y tandaan

245. “Huwag malilingat at pag-ingatan mo
        Ang higanting handa ng Konde Adolfo
        Pailag-ilagang parang basilisko
        Sukat na ang titig na mata’y sa iyo.

246. “Kung ang isalubong sa iyong pagdating
        Ay masayang mukha’t may pakitang giliw
        Lalong pag-ingata’t kaaway na lihim
        Siyang isaisip na kakabakahin.

247. “Datapuwa’t  huwag kang magpahalata
        Tarok mo ang lihim ng kanyang nasa
        Ang sasandatahi’y lihim na ihanda
        Nang may ipagtanggol sa araw ng digma.

248. “Sa mawika ito luha’y bumalisbis
        At ako’y niyakap na pinakahigpit
        Huling tagabilin: “bunso’y katitiis
        At hinihintay ka ng maraming sakit

249. “At mumulan mo na ang pakikilaban
        Sa mundong bayaning punong kaliluhan
        Hindi na natapos at sa kalumbayan
        Pinigil ang dila niyang nagsasaysay.

250. “Nagkabitiw kaming malumbay kapuwa
        Tanang kaeskwela mata’y lumuluha
        Si Menandron’y labis ang pagdaralita
        Palibhasa’y tapat at kapuwa-bata.

 251. “Sa pagkakalapat ng balikat namin
        Ang mutyang katoto’y di bumitiw-bitiw
        Hanggang tinulutang sumama sa akin
        Ng aming maestrong kanyang amain.

252. “Yaong paalama’y anupa’t natapos
        Sa pagsasaliwan ng madlang himutok
        At sa kaingaya’t gulo ng adiyos!
        Ang buntong-hininga ay nakikisagot.

253. “Magpahanggang daong ay nakipatnubay
        Ang aking maestro’t kasamang iiwan
        Humihip ang hangi’t agad nahiwalay
        Sa pasig Atenas ang aming sasakyan.

2 comments:

Welcome to Zsite59