232. “Naging santaon pa ako sa Atenas
Hinintay ang loob ng ama kong liyag
Sa aba ko’t noo’y tumanggap ng sulat
Na ang balang letra’y iwang may kamandag!
233. “Gunamgunam na di napagod humapis
Di ka naianod ng luhang mabilis
Iyong ginugulo ang bait ko’t isip
At di mo payagang payapa ang dibdib
234. “Kamandag kang lagak niyong kamatayan
Sa sintang ina ko’y di nagpakundangan
Sinasariwa mo ang sugat na lalang
Ng aking tinanggap na palasong liham!
235. “Tutulungan kita ngayong magpalala
Ng hapdi sa pusong di ko maapula
Namatay si ina ay laking dalita
Ito sa buhay ko ang unang umiwa.
236. “Patay na dinampot sa aking pagbasa
Niyong letra titik ng bikig na pluma
Diyata ama ko at nakasulat ka
Ng pamatid-buhay sa anak na sinta?
237. “May dalawang oras na di nakamalay
Ng pagkatao ko’t ng kinalalagyan
Dangan sa kalinga ng kasamang tanan
Ay di mo na ako nakasalitaan.
238. “Nang mahimasmasa’y narito ang sakit
Dalawa kong mata’y naging parang batis
At ang ay, ay ina’y kung kaya mapatid
Ay nakalimutan ang paghingang gipit.
239. “Sa panahong yao’y ang buo kong damdam
Ay nanaw sa akin ang sandaigdigan
Nag-iisa ako sa gitna ng lumbay
Ang kinakabaka’y sarili kong lumbay.
240. “Hinamak ng aking pighating mabangis
Ang sa maestro kong pang-aliw na boses
Ni ang luhang tulong ng samang mayhapis
Ay di nakaawas sa pasan kong sakit.
241. “Baras ng matuwid ay nilapastangan
Ng lubhang marahas na kapighatian
At sa isang titig ng palalong lumbay
Diwa’y lumilipad niring katiisan.
242. “Anupa’t sa bangis ng dusang bumugso
Minamasarap kong mutok yaring puso
At nang ang kamandag na nakakapuno’y
Sumamang dumaloy sa agos ng dugo.
cheap jordans
ReplyDeleteair jordan
adidas yeezy
kevin durant shoes
golden goose mid star
nike air max
supreme clothing
vapormax
yeezy boost 350
curry shoes