'BALAGTAS' o 'BALTAZAR'


Kilalang-kilala ang pangunahing makatang Pilipino bilang si Francisco ‘Balagtas’ Baltazar.  Ang karaniwang paniniwala ng marami ay sagisag-panulat ang ‘Balagtas’

Ngunit ayon kay Padre Blas M. de Guernica, kura paroko ng bayang Bigaa (ngayo’y Balagtas), sa kanyang pahayag na may petsang Agosto 5, 1906, ang pangalan ng makata sa kanyang partida de bautismo ay ‘Francisco Balagtas’.  Sinabi ng kura paroko nanakatala sa Indice alfabetico del libro de Bautismos de Bigaa na bininyagan ang makata noong Abril 30, 1788 sa pangalang “Francisco, anak na tunay ng mag-asawang sina Juan Balagtas at Juana Cruz, mga taong tunay ng bayang ito.

Gayunman, ang kasulatan sa pag-aasawa at sa pagkakalibing ay tumutukoy kay “Francisco Baltazar na anak nina GG. Juan Baltazar at Juana dela Cruz”.

Sinabi ni Hermenegildo Cruz (na ayon kay Padre de Tavera ay isa sa dalawang awtentikong biograper ni Balagtas: ang isa pa ay si Epifanio de los Santos Cristobal) sa kanyang aklat na ‘Kung Sino ang Kumatha ng “Florante”’ (Maynila:Libreria Manila Filatelico, 1906) na ang apelyidong ‘Baltazar ay ginamit ng ating makata magmula nang siya’y manirahan sa Tundo ngunit hindi ipinaliwanag kung saan nanggaling ang apelyidong ito at kung bakit nagbago ng pangalan ang makata nang tumira sa Tundo.  Hindi naman masasabing ang ganitong pagbabago ay bilang pag-alinsunod sa utos ng Gobernador-Heneral Claveria na gumamit ng apelyidong Kastila ang katutubong mga mamamayan, sapagkat ang utos ay ipinatupad noong 1849, samantalang ang kasulatan sa pag-aasawa ng makata ay may petsang 1842.  Maliwanag na ‘Baltazar’ na ang anyang ginagamit bago pa ipinatupad ni Claveria ang utos.  Ang totoo, bilang pag-alinsunod sa utos na itom pumili ang makata ng isa pang pangalan: Narvaez.

Ayon kay Cruz, may mga nagpapatotoo na ang apelyidong ‘Balagtas’ ay “palayaw daw lamang sa kanya na nagbuhat sa kanyang pagkamadaling tumula.”  Kung gayon, bakit ‘Balagtas din ang ginagamit na apelyido ng kanyang mga pamangkin (na anak ng kanyang kapatid na si Nicolasa na nakatira sa Baryo Burol, Bigaa at nakausap ni Cruz nang sulatin niya ang talambuhay ng makata?)

Gayunman, ang mga anak ng makata na nakatira sa Udyong, Bataan ay gumagamit ng apelyidong ‘Baltazar’, hindi ‘Balagtas’.

‘Balagtas’ o ‘Baltazar’?  Ano man ang itawag sa kanya, hindi mababawasan ang kaniyang kadakilaan.

4 comments:

Welcome to Zsite59