Florante at Laura 7: Sawing Kapalaran

21.      “Ang lahat nang ito, maawaing Langit,
        Iyong tinutunguha’y ano’t natitiis?
        Mula ka ng buong katuwira’t bait,
        Pinayagan mong ilubog ng lupit.

22.      “Makapangyarihang kamay mo’y ikilos
        Papamilantakin ang kalis ng poot,
        Sa Reynong Albanya’y kusang ibulusok,
        Ang iyong higanti sa masamang loob.
 
23.      “Bakit, kalangita’y bingi ka sa akin
        Ang tapat kong luhog ay hindi mo dinggin?
        Diyata’t sa isang alipusta’t iring
        Sampung tainga mo’y ipinangunguling?

24.      “Datapuwa’t sino ang tatarok kaya?
        Sa mahal mong Lihim, Diyos na dakila?
        Walang mangyayari sa balat ng lupa,
        Di may kagalingang Iyong ninanasa.

25.      “Ay saan ngayon ako mangangapit?
        Saan ipupukol ang tinatangis-tangis,
        Kung ayaw na ngayong dinigin ng langit,
        Ang sigaw ng aking malumbay na boses!

26.      “Kung siya mong ibig na ako’y magdusa,
        Langit na mataas, aking mababata,
        Isagi mo lamang sa puso ni Laura,
        Ako’y minsan-minsang mapag-alaala.

27.      “At ditto sa laot ng dusa’t hinagpis,
        Malawak na lubhang aking tinatawid,
        Gunita ni Laura sa naabang ibig,
        Siya ko na lamang ligaya sa dibdib.

28.      “Munting gunamgunam ng sinta ko’t mutya,
        Nang dahil sa aki’y dakila kong tuwa,
        Higit sa malaking hirap at dalita
        Parusa ng taong lilo’t walang awa.

29.      “Sa pagkagapos ko’y kung gunigunihin
        Malamig nang bangkay akong nahihimbing
        At tinatangisan ng sula ko’t giliw,
        Ang pagkabuhay ko’y walang hangga mandin.

30.  “Kung apuhapin ko sa sariling isip,
        Ang suyuan naming ng pili kong ibig,
        Ang pagluha niya kung ako’y may hapis,
        Nagiging ligaya yaring madlang sakit.

31.  “Ngunit sa aba ko! Sawing kapalaran!
        Ano pang halaga ng gayong suyuan,
        Kung ang sing-ibig ko’y sa katahimikan
        Ay humihilig na sa ibang kandungan?

 32.  “Sa sinapupunan ng Konde Adolfo
        Aking natatanaw si Laurang sinta ko;
        Kamataya’y nahan ang dating bangis mo
        Nang di ko damdamin ang hirap na ito?”

33.  Dito hinimatay sa paghihinagpis,
        Sumuko ang puso sa dahas ng sakit,
        Ulo’y nalungayngay, luha’y bumalisbis,
        Kinagagapusang kahoy ay nadilig.