Florante at Laura 5: Sa Mapanglaw na Gubat

 1.      Sa isang madilim na gubat na mapanglaw,
      Dawag na matinik ay walang pagitan,
      Halos naghihirap ang kay Pebong silang,
      Dumalaw sa loob na lubhang masukal.

2.      Malalaking kahoy ang inihahandog,
      Pawang dalamhati, kahapisa’t lungkot,
      Huni pa ng ibon ay nakalulunos,
      Sa lalong matimpi’t nagsasayang loob.

3.      Tanang mga baging na namimilipit
      Sa sanga ng kahoy ay balot ng tinik,
      May bulo ang bunga’t nagbibigay sakit
      Sa kangino pa mang sumagi’t malapit.

4.      Ang mga bulaklak ng nagtayong kahoy,
      pinakamaputing nag-ungos sa dahon,
      pawing kulay-luksa at nakikiayon
      sa nakaliliyong masangsang na amoy.

5.      Karamiha’y sipres at higerang kutad
      Na ang lilim niyon ay nakasisindak,
      Ito’y walang bunga’t daho’y malalapad
      Na nakadidilim sa loob ng gubat.

6.      Ang mga hayop pang dito’y gumagala,
      Karamiha’y syerpe’t basilisko’y madla
      Hyena’t tigreng ganid na nagsisila
      Ng Abernong Reyno ni Plutong masungit,
 
7.      Ito’y gubat manding sa pinto’y malapit
      Abernong Reyno ni Plutong masungit,
      Ang nasasakupang lupa’y dinidilig
      Ng ilog Kositong kamandag ang tubig.

8.      Sa may gitna nitong mapanglaw na gubat
      May punong higerang daho’y kulay pupas;
      Dito nakagapos ang kahabag-habag,
      Isang pinag-usig ng masamang palad.

9.      Baguntaong basal ang anyo at tindig,
      Kahit nakatali kamay paa’t liig,
      Kundi si Narciso’s tunay na Adonis,
      Mukha’y sumisilang sa gitna ng sakit

10.  Makinis ang balat at anaki’y burok,
      Pilik-mata’t kilay mistulang balantok,
      Bagong sapong ginto ang kulay ng buhok,
      Sangkap ng katawa’y pawing magkaayos.

11.  Dangan doo’y walang oreadas ninfas,
      Gubat na palasyo ng masidhing harpyas
      Nangaawa disi’t naakay lumiyag
      Sa himalang tipon ng karikta’t hirap.