Florante at Laura 23: Paghingi ng Tulong ng Bayang Krotona


254. “Bininit na busog ang siyang katulad
        Ng tulin ng aming daong sa paglayag
        Kaya di naglaon paa ko’y yumapak
        Sa dalampasigan ng Albanyang syudad.

255. “Pag-ahon ko’y agad nagtuloy sa kinta
        Di humiwalay ang katotong sinta
        Paghalik sa kamay ng poon kong ama
        Lumala ang sakit ng dahil kay ina.

256. “Nagdurugong muli ang sugat ng puso
        Humigit sa una ang dusang bumugso
        Nawikang kasunod ng luhang tumulo
         ‘ay ama! Kasabay ng bating ‘ay bunso!’

257. “Anupa’t ang aming buhay na mag-ama
        Nayapos ng bangis ng sing-isang dusa
        Kami ay dinatnang nagkakayakap pa
        Niyong embahador ng bayang Krotona.

258. “ Nakapanggaling na sa palasyo real
        At ipinagsabi sa hari ang pakay
        Dala’y isang sulat sa ama kong hirang
        Titik ng monarkang kaniyang biyenan.

259. “Humihinging tulong at nasa pangamba
        Ang Krotonang reyno’t kubkub ng kabaka
        Ang puno ng hukbo’y balita sa sigla
        Heneral Osmalik na bayaning Persya.

260. “Ayon sa balita’y pangalawa na ito
        Ng prinsipe niyang bantog sa sangmundo
        Alading kilabot ng mga gerero
        Iyong kababayang hinahangaan ko.”

261. Dito’y napangiti ang Morong kausap
        Sa nagsasalita’y tumugong banayad
        Aniya’y “bihirang balita’y magtapat
        Kung magtotoo ma’y marami ang dagdag.

262. “At saka madalas ilala ng tapang
        Ay ang guniguning takot ng kalaban
        Ang isang gererong palaring magdiwang
        Mababalita na at pangingilagan.

263. “Kung sa katapanga’y bantog si Aladin
        May buhay rin namang sukat na makitil
        Iyong matatantong kasimpantay rin
        Sa kasamaang palad at dalang hilahil.

264. “Sagot ni Florante: ‘huwag ding maparis
        Ang gererong bantog sa palad kong amis
        At sa kaaway ma’y di na ninanais
        Ang laki ng dusang aking napagsapit.

265. “Matanto ni ama ang gayong sakuna
        Sa Krotonang baya’y may balang sumira
        Ako’y isinama’t humarap nang bigla
        Sa Haring Linseong may gayak nang digma.

266. “Kami ay bago pang nanakyat sa hagdan
        Ng palasyong batbat ng hiyas at yaman
        Ay sumalubong na ang haring marangal
        Niyakap si ama’t ako’y kinamayan.

267. “Ang wika’y O duke! Ang kiyas na ito
        Ang siyang kamukha ng bunying gerero
        Aking napangarap na sabi sa iyo
        Magiging haligi ng setro ko’t reyno.’

 268. Sino ito’t saan nanggaling na syudad?’
        Ang sagot ni ama ‘ay bugtong kong anak
        Na inihahandog sa mahal mong yapak
        Ibilang na isang basalyo’t alagad.’

269. “ Namangha ang hari at niyakap ako;
        ‘mabuting panahon itong pagdating mo,
        ikaw ang’ heneral ng hukbong dadalo
        sa bayang Krotonang kubkub ng Moro.

270. “ Patotohanan mong hindi iba’t ikaw
        ang napangarap kong gererong matapang
        na maglalathala sa sansinukuban
        ng kapurihan ko at kapangyarihan.

271. “ Iyong kautangang paroong mag-adya,
        Nuno mo ang hari sa bayan ng Krotona
        Dugo kang mataas at dapat kumita
        Ng sariling dangal at bunyi  sa gera.

272. “Sapagkat matuwid ang sa haring saysay
        Umayon si ama kahit mapait man
        Nang agad masubo sa pagpapatayan
        Ang kabataan ko’t di kabihasaan.

273. “Ako’y walang sagot na naipahayag
        Kundi ‘haring poo’t nagdapa sa yapak
        Nang aking hahagkan ang mahal na bakas
        Kusang itinindig at muling niyakap.