Florante at Laura 21: Namatay si Ina

232. “Naging santaon pa ako sa Atenas
        Hinintay ang loob ng ama kong liyag
        Sa aba ko’t noo’y tumanggap ng sulat
        Na ang balang letra’y iwang may kamandag!

233. “Gunamgunam na di napagod humapis
        Di ka naianod ng luhang mabilis
        Iyong ginugulo ang bait ko’t isip
        At di mo payagang payapa ang dibdib

234. “Kamandag kang lagak niyong kamatayan
        Sa sintang ina ko’y di nagpakundangan
        Sinasariwa mo ang sugat na lalang
        Ng aking tinanggap na palasong liham!

235. “Tutulungan kita ngayong magpalala
        Ng hapdi sa pusong di ko maapula
        Namatay si ina ay laking dalita
        Ito sa buhay ko ang unang umiwa.

236. “Patay na dinampot sa aking pagbasa
        Niyong letra titik ng bikig na pluma
        Diyata ama ko at nakasulat ka
        Ng pamatid-buhay sa anak na sinta?

237. “May dalawang oras na di nakamalay
        Ng pagkatao ko’t ng kinalalagyan
        Dangan sa kalinga ng kasamang tanan
        Ay di mo na ako nakasalitaan.

238. “Nang mahimasmasa’y narito ang sakit
        Dalawa kong mata’y naging parang batis
        At ang ay, ay ina’y kung kaya mapatid
        Ay nakalimutan ang paghingang gipit.

239. “Sa panahong yao’y ang buo kong damdam
        Ay nanaw sa akin ang sandaigdigan
        Nag-iisa ako sa gitna ng lumbay
        Ang kinakabaka’y sarili kong lumbay.

240. “Hinamak ng aking pighating mabangis
        Ang sa maestro kong pang-aliw na boses
        Ni ang luhang tulong ng samang mayhapis
        Ay di nakaawas sa pasan kong sakit.

241. “Baras ng matuwid ay nilapastangan
        Ng lubhang marahas na kapighatian
        At sa isang titig ng palalong lumbay
        Diwa’y lumilipad niring katiisan.

242. “Anupa’t sa bangis ng dusang bumugso
        Minamasarap kong mutok yaring puso
        At nang ang kamandag na nakakapuno’y
        Sumamang dumaloy sa agos ng dugo.