Florante at Laura 8: Mga Hinaing ng Lalaking Nakagapos

34.      Magmula sa yapak hanggang sa ulunan,
        Nalimbag ang bangis ng kapighatian,
        At ang panibugho’y gumamit ng asal
        Ng lalong marahas, lilong kamatayan.

35.     Ang kahima’t sinong hindi maramdamin,
        Kung ito’y Makita magmamahabagin;
        Matipid na luha ay paaagusin,
        Ang nagparusa ma’y pilit hahapisin.

36.      Sukat na ang tingnan ang lugaming anyo
        Nitong sa dalita’y hindi makakibo;
        Aakaying biglang umiiyak ang puso
        Kung wala nang luhang sa mata’y itulo.

37.     Gaano ang awang bubugso sa dibdib
       Na may karamdamang maanyong tumindig,
       Kung ang panambita’t daing ay marinig
       Nang mahimasmasan ang tipon ng sakit!

38.     Halos buong gubat ay nasasabugan
       Ng dinaing-daing na lubhang malumbay,
       Na inuulit pa at isinisigaw
       Sagot sa malayo niyong alingawngaw.

39.      “Ay Laurang poo’y bakit isinuyo
       Sa iba ang sintang sa aki’y pangako,
       At pinagliluhan ang tapat na puso,
       Pinaggugulan mo ng luhanh tumulo?
 
40.     “Di sinumpaan mo sa harap ng Langit
       Na di maglililo sa aking pag-ibig?
       Ipinabigay ko naman yaring dibdib,
       Wala sa gunita itong masasapit!

 41.    “Katiwala ako’t ang iyong kariktan,
        Kapilas ng langit anaki’y matibay,
        Tapat ang puso mo’t di nagunamgunam
        Na ang paglililo’y nasa kagandahan

42.      “Di ko akalaing iyong sasayangin
        Maraming luha mong ginugol sa akin,
        Taguring madalas na ako ang giliw,
        Mukha ko ang lunas sa madlang hilahil.

43.      “Di kung ako poo’y utusang manggubat
        Ng hari mong ama sa alin man syudad,
        Kung ginagawa mo ang aking sagisag,
        Dalawa mongh mata’y nanalong ng perlas?

44.     “Ang aking plumahe kung itinatahi
        ng parang korales ng iyong daliri,
        bunting-hininga mo’y nakikiugali
        sa kilos ng gintong ipinananahi.

45.     “Makailan, Laurang sa aki’y iabot,
        Basa pa ng luhang banding isusuot,
        Ibinibigay mo ay naghihinutok,
        Takot masugatan sa pakikihamok!

46.     “Baluti’t koleto’y di mo papayagang
        Madampi’t malapat sa aking katawan
        Kundi tingnan muna’t baka may kalawang
        Ay nanganganib kang damit ko’y marumhan.

47.     “Sinisiyasat mo ang tibay at kintab,
        Na kung sayaran man ng taga’y dumulas,
        At kung malayo na’y iyong minamalas,
        Sa gitna ng hukbo’y makilala agad.

48.     “Pahihiyasan mo ang aking turbante
        Ng perlas, topasyo’t maningning na rubi,
        Bukod ang magalaw na batong diamante,
        Puno ng ngalan mong isang letrang L.

49.     “Hanggang ako’y wala’t nakikipaghamok.
        Nag-aapuhap ka ng pang-aliw-loob,
        Manalo man ako’y kung bagong nanasok,
        Nakikita mo na’y may dala pang takot.

50.     “Buong panganib mo’y baka nagkasugat,
        Di maniniwala kung di masiyasat,
        At kung magkagurlis ng munti sa balat
        Hinuhugasan mo ng luhang nanatak.

51.     “Kung ako’y mayroong kahapisang munti,
        Tatanungin mo na kung ano ang sanhi
        Hanggang di malinang ay idinarampi
        Sa mga mukha ko ang rubi mong labi.

52.     “Hindi ka tutugot kung di matalastas,
        Kakapitan mo nang mabigla ang lunas,
        Dadalhin sa hardi’t doon ihahanap
        Ng ikaaaliw sa mga bulaklak.

53.     “Iyong pipitasin ang lalong marikit,
        Dini sa liig ko’y kusang isasabit,
        Tuhog na bulaklak sadyang salit-salit
        Pag-uupandin mong buhay ko’y mapaknit.

54.     “At kung ang hapis ko’y hindi masawata,
        Sa pilik-mata mo’y dadaloy ang luha,
        Napasaan ngayon ang gayong aruga,
        Sa dala kong sakit ay di iapula?

2 comments:

Welcome to Zsite59