Florante at Laura 15: Sa Kandungan ng Gerero

142. Gulung-gulong lubha ang kaniyang loob
        Ngunit napayapa nang anyong kumilos
        Itong abang kandong na kalunus-lunos
        Nagising ang buhay na nakakatulog.
 
143. Sa pagkalungayngay mata’y idinilat
        Himutok ang unang bati sa liwanag
        Sinundan ng taghoy na kahabag-habag
         “Nasaan ka, Laura, sa ganitong hirap?

144. “Halina giliw ko’t gapos ko’y kalagin
        Kung mamatay ako’y gunitain mo rin,”
        Pumikit na muli’t napatid ang daing
        Sa may kandong naming takot na sagutin.

145. Ipinanganganib ay baka mabigla
        Magpatuloy mapatid hiningang mahina
        Hinintay na lubos niyang mapayapa
        Ang loob ng kandong na lipos-dalita

146. Nang muling mamulat ay nagitlahanan:
         “Sino sa aba ko’t nasa Morong kamay!”
        Ibig na iigtad ang lunong katawan
        Nang hindi mangyari’y nagngalit na lamang.

147. Sagot ng gerero’y “huwag kang manganib
        Sumapayapa ka’t mag-aliw ng dibdib
        Ngayo’y ligtas ka na sa lahat ng sakit
        May kalong sa iyo ang nagtatangkilik.

148. “Kung nasusuklam ka sa aking kandungan
        Lason sa puso moang hindi binyagan
        Nakukutya akong di ka saklolohan
        Sa iyong nasapit na napakarawal.

149. “Ipinahahayag ng pananamit mo
        Taga-Albanya ka at ako’y Persyano
        Ikaw ay kaaway ng baya’t sekta ko
        Sa lagay mo ngayo’y magkatoto tayo.

150. “Moro ako’y lubos na taong may dibdib
        At nasasaklaw rin ng utos ng langit
        Dini sa puso ko’y kusang natititik
        Natural na leing sa aba’y mahapis.

151. “Anong gagawin ko’y aking napakinggan
        Ang iyong pagtaghoy na kalumbay-lumbay
        Gapos na nakita’t pamumutiwanan
        Ng dalawang ganid ng bangis na tangan.


152. Nagbuntung-hininga itong abang kalong
        At sa umaaliw na Moro’y tumugon
         “Kung di mo kinalag sa puno ng kahoy
        Nalibing na ako sa tiyan ng leon.

153. “Payapa naman disin yaring dibdib
        Napagkikilalang kaaway kang labis
        At di binayaang nagkapatid-patid
        Ang aking hiningang kamataya’t sakit.

154. “Itong iyong awa’y di ko hinahangad
        Patayin mo ako’y isang pitang habag
        Di mo tanto yaring binabatang hirap
        Na ang kamatayan ang buhay kong hanap.”

155. Dito napahiyaw sa malaking hapis
        Ang Morong may awa’t luha’y tumagistis
        Siyang itinugon sa wikang narinig
        At sa panlulumo’y kusang napahilig.

2 comments:

Welcome to Zsite59